Pres Duterte, may tatlong alternatibong desisyon na maaaring ikonsidera para sa Jolo, Sulu

Nasa tatlong alternatibong ang maaaring ikonsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa Jolo, Sulu makaraan ang magkasunod na pagpapasabog sa lugar noong Lunes (Agosto 24).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bukod sa inire-rekomenda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) na pagpapatupad ng Batas Militar sa Sulu, nariyan rin aniya ang rekomendasyon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na huwag nang mag Martial Law bagkus ay i-implementa na lamang ang Anti-terrorism Law.

Matatandaan na sinabi ni Secretary Lorenzana na hindi na kailangan pa ang batas militar sa Sulu dahil sapat na ang ATL.

Bukod dito, umiiral pa rin naman aniya ang State of Lawlessness sa buong Mindanao, na idineklara ni Pangulong Duterte noong Setyembre, 2016 kasunod ng Marawi Siege.

Ayon kay Secretary Roque, posible rin na panatilihin ng pangulo kung ano ang sitwasyon doon sa kasalukuyan, lalo’t kung ipatutupad aniya ang ATL ay wala namang ibang dapat na gawin dahil isa na itong ganap na batas.

Dahil dito, makabubuti ayon sa kalihim na hintayin na lamang ang magiging desisyon ni Pangulong Duterte.

“So abangan na lang po natin kung ano ang desisyon pero dalawang pong alternatibo—o tatlo ‘no: As is, martial law or iyong Anti-Terror Law. At wala naman pong ibang dapat gawin pa kung Anti-Terror Law dahil iyon naman po ay naging batas na at pinatutupad na po natin.” —Secretary Roque.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.