Programa ni Mayor Isko sa mga mananahi, Paglikha ng 1 Milyong facemask para sa Manilenyo

Sinimulan na ang pananahi ng 1 milyong facemask na ipamamahagi ng pamahalaang lungsod ng Maynila ng libre para sa lahat ng residente ng lungsod.

Personal na nagtungo si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa Unibersidad De Manila (UDM) upang magsagawa ng inspeksyon kung saan nagsisimula nang gumawa ng facemask ang unang batch nang mga mananahi na nag-aplay at tinanggap ng Public Employment Service Office (PESO) na pinamumunuan ni Director Fernan Bermejo.

Napag-alaman kay Bermejo na matapos ang isang linggo ay susunod naman ang ikalawang batch ng mga mananahi upang mabigyan din ang mga ito ng pagkakataon na kumita.

Aniya, sa kada 500 facemask na magagawa ng mga ito ay maaari silang kumita ng P2,000.

Ayon naman kay Domagoso, layunin ng nasabing programa na makapagbigay ng pagkakakitaan sa mga residente ng Maynila na naapektuhan ang kabuhayan lalo na ngayong panahon ng pandemya kung saan kasabay naman nito ang paglaban sa sakit na COVID-19.

“It doesn’t matter kung mabagal ka manahi basta’t marunong ka, para magkaroon ka ng oportunidad na kumita.” ani Domagoso sa mga nais mag-aplay na mananahi.

Ayon sa alkalde, bukod sa livelihood program na pananahi ng facemask ay mayroon din na pagkakataong kumita ang mga traysikel, pedicab, at ilan pa na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya makaraang makipagkasundo ang Grab Philippines sa pamahalaang lungsod kung saan kumuha sila ng may 2,000 aplikante na nais maging parte ng kanilang kompanya.

Tiniyak naman ni Domagoso na hangga’t may pandemya na nakakaapekto sa pamumuhay ng Manilenyo ay hindi titigil ang pamahalaang lungsod na maglikha ng programa o proyekto na mapapakinabangan at magkakaroon ng oportunidad ang mga ito na kumite at makapaghanapbuhay para sa kanilang mahal sa buhay.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.