PRRD hindi papayagan ang face-to-face classes; blended learning ipatutupad

Nilinaw ng Malacañang noong Mayo 26 na ang ayaw lang naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang pagbubukas ng face-to-face (F2F) classes hangga’t wala pang natutuklasang bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).

“Habang wala pang bakuna at habang wala pa tayo sa new normal, ‘yung wala na pong community quarantine, hindi pa rin po tayo magkakaroon ng face-to-face classroom na mga klase,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ipinaliwanag ni Roque na papayagan lang ng Pangulo ang F2F classes kapag ang lahat ng lugar sa ating bansa ay wala na sa anumang bahagdan ng community quarantine at nasa ilalim na ng “new normal” pagsapit ng Agosto 24.

Gayunpaman, kung tataas pa rin ang Covid-19 infection rate, dapat aniyang magpatupad ang mga paaralan ng “blended” at “flexible” na paraan ng pagtuturo.

Ayon kay Roque, “Kung hindi po talaga dumating ang new normal at hindi mai-lift ang community quarantines, hindi naman po ibig sabihin na hindi na mag-aaral ang ating mga kabataan.”

Dagdag pa niya, “Meron po tayong tinatawag na blended learning. Sang-ayon po kay Secretary (Leonor) Briones ng DepEd, gagamitin po natin ang telebisyon, ang radyo, at ang Internet para ipagpatuloy po ang edukasyon ng ating mga kabataan.”

Alam naman umano niya na hindi lahat ng estudyante ay may access sa computers at Internet, ipinaliwanag niya na ang TV at radyo ay inaasahan na magagamit para sa distance learning para sa mga mahihirap nating kababayan.

Sinabi rin ni Roque na ang local government units, lalo na sa barangay level, ay maaaring magtayo ng “makeshift classrooms” sa mga center kung saan maipatutupad ang physical distancing.

“Ang radyo po at TV, ‘yan po ang sisiguro na wala pong diskriminasyon laban sa mga mahihirap,” aniya, at idinagdag na hindi isasakripisyo ng gobyerno ang kalusugan ng mga mag-aaral.

Nakikita rin ni Roque na kailangang palawakin ang Free Internet Access in Public Places Act, o ang Republic Act 10929, “which provides free Internet access in all public places, such as national and local government offices, public basic education institutions, and public parks”.

Aniya, “Siguro po kinakailangan pabilisin at palawakin pa itong programa ng libreng Internet dahil importante ngayon na lahat ng kabataan na kinakailangang mag-aral ay mayroon ding Internet.”

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.