PRRD ipinagtanggol ng ilang senador, mula sa mga kumuwestyon sa presensya niya noong kasagsagan ng bagyong Rolly

Idinepensa ng ilang senador si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa mga puna na ‘missing in action’ ito noong kasagsagan ng bagyong Rolly.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, maaari pa rin namang gampanan ni Pangulong Duterte ang kanyang tungkulin kahit siya ay nasa Davao.

Aktibo naman aniya ang internet kaya maaaring i-oversee ng Punong Ehekutibo ang mga kaganapan kahit nasaan man siya ng Pilipinas.

Giit pa ni Sotto, papel rin ng mga miyembro ng gabinete at mga opisyal ng lokal na pamahalaan ang maging kinatawan ng pamahalaan at ng Pangulo.

Samantala, sinabi naman ni Senador Richard Gordon na hindi porket hindi nakikita ng pisikal ay hindi na nagtatrabaho ang isang lider.

Mahalaga rin aniyang tiyakin ang kaligtasan ng Presidente lalo’t mas mahirap kung madisgrasya ito.

Ani Gordon, hindi naman kailangang nasa ground agad si Pangulong Duterte basta’t ginagawa ng kanyang mga tao ang kanilang trabaho.

Una nang sinabi ni Senador Christopher ‘Bong’ Go noong kasagsagan ng bagyong Rolly nitong linggo na 24/7 nakatutok si Pangulong Duterte sa mga kaganapan kaugnay ng bagyo kahit nasa Davao City ito noon.

Agad rin namang nagtungo ang Pangulo sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo kahapon para personal na inspeksyunin ang pinsalang idinulot ng bagyong Rolly.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.