PRRD nakahanap na ng pera pambili ng covid-19 vaccine, 113M Pinoy dapat mabakunahan

Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon na siyang pondo para bumili ng vaccines para mabakunahan ang mga Filipino mula sa COVID-19.

Sa kanyang public address, Miyerkules ng gabi ay sinabi ng Pangulo na may 113 milyong Filipino ang mabibigyan ng bakuna laban sa nakamamatay na coronavirus.

“Nakahanap na ako ng pera. I have the money already for the vaccine, but hahanap pa ako ng maraming pera, because you know there are now 130 million Filipinos,” ayon kay Pangulong Duterte.

“And to me, ideally, all should have the vaccine, without exception. Lahat. Para meron kayong lifetime, whatever, para it can provide immunity. Pang laban ho. ‘Yung body, ‘yung armor mo ‘yung sundalo mo sa katawan mo, malabanan siya,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

Tiniyak ng Punong Ehekutibo na ang mga mahihirap ang unang bibigyan ng bakuna gamit ang listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng pamahalaan.

“Again, mauna ang mga mahirap na walang pera, hindi makabayad. Ang listahan ‘yung doon sa Pantawid… may listahan ‘yan. ‘Yun ang sundin. Then, pagkatapos, to the public,” diing pahayag ng Pangulo.

Prayoridad din aniya na mabigyan ng bakuna ang mga military personnel at security forces.

“But para walang taguan, I want my soldiers, pati ‘yung security forces ng bayan mauna rin kasabay ng first batch. Kasi kailangan ko ng mga sundalo at pulis na ready, healthy, at walang COVID,” anito.

Mahalaga aniya ang mga ito sa seguridad ng estado.

“For which reason they should be the first also. Tayo, kami, mga civilian, puwede tayong last,” aniya pa rin.

Base sa pinakahuling data mula sa Bureau of the Treasury, ang pamahalaan ay mayroong debt o utang na umaabot na sa P9.6 trillion “as of the end of August 2020.”

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.