PSA, Sisimulan na ang registration para sa “National ID System” ngayong Oktubre 2020

Ang agarang implementasyon ng Republic Act (RA) 11055 o ang Philippine Identification System (PhilSys) Act ang isa sa mga prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayon. Ito ang inihayag ng Malacañang kamakailan.

Kumbinsido ang Pangulo na hindi na maaantala ang pamamahagi ng financial assistance sa mahihirap nating kababayan kapag ang PhilSys ay fully activated na, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

“Ang primary consideration po kung bakit binibigyan ng prayoridad ng Presidente ang national ID system ay ‘yung pagbibigay po ng ayuda sa panahon ng krisis,” ayon kay Roque.

Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya ang Pangulo dahil sa pagkaantala ng first tranche ng payouts para sa mahihirap na pamilyang apektado ng lockdown dahil sa ipinatutupad na quarantine restrictions sa bansa sanhi ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) pandemic.

Sinabi ng Pangulo na napabilis sana ng PhilSys ang pamamahagi ng emergency relief sa mahihirap na pamilya sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan ngayong may Covid-19 crisis.

Isa sa mga utos ng Pangulo kay acting National Economic and Development Authority (NEDA) acting Secretary Karl Kendrick Chua ay bilisan na ang implementasyon ng PhilSys Act.

Ayon kay Roque, ang direktiba ng Pangulo kay Chua ay nangangahulugan na ang mga Pilipino ay hindi na makararanas ng pagkaantala ng mga ayuda mula sa pamahalaan.

“Dahil kung meron tayong national ID system, hindi na sana naantala ‘yung pagbibigay ng ayuda sa ating mga kababayan,” ayon sa kalihim.

Itinalaga ng RA 11055 ang Philippine Statistics Authority (PSA), na nasa ilalim ng NEDA, bilang pangunahing implementing agency na magsasagawa ng mga probisyon ng nasabing batas.

Layunin ng PSA na maitala ang mahigit limang milyong mahihirap na pamilya para sa PhilSys pagsapit ng Disyembre para mas maging mabilis at maayos ang pamamahagi ng gobyerno ng mga ayuda.

Plano nitong buksan ang pagpapatala sa Oktubre sa 46 registration centers at 1,170 mobile region centers sa buong bansa.

Makikipagtulungan din ang PSA sa Land Bank of the Philippines para magamit ang 126 sangay nito bilang karagdagang registration centers para sa PhilSys.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.