Pulis na nangikil sa motorista, arestado ng PNP-IMEG

Naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang isang Pulis trapiko na nangikil umano sa motorista para ma-release ang kanyang impounded na sasakyan.

Sa ulat ni IMEG Acting Director P/Col Thomas Frias Jr. kay PNP Chief PGen. Debold Sinas, kinilala ang arestadong pulis na si P/SSgt. Marlon De Dios Salim, na nakatalaga sa SLEX Traffic Vehicular Sub Office, Regional Highway Patrol Unit ng NCR sa Paranaque City.

Inireklamo si Salim ng complainant na humihingi sa kanya ng 15-libong piso para ma-release ang kanyang impounded na sasakyan na nasangkot sa isang aksidente sa North Bound ng Skyway sakop ng Brgy. San Martin De Porres noong Enero 26.

Natawaran ito ng complainant sa halagang 5-libo, na huli sa aktong tinanggap ni Salim sa entrapment operation na ikinasa ng IMEG kahapon.

Kasalukuyang nasa Kampo Crame na si Salim na nahaharap sa patumpatong na mga kasong administratibo at kriminal at nanganganib ding masibak sa serbisyo sakaling mapatunayan ang pagkakasala nito.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.