Pulong sa pagitan nina House Speaker Cayetano at Rep. Lord Allan Velasco kasama si Pangulong Duterte, inaatabayanan ngayong araw

Inaatabayanan kung matutuloy ngayong araw ang pulong sa pagitan nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco kasama si Pangulong Duterte.

Sa magkahiwalay na text message ay kapwa kinumpirma nina Deputy Speakers Dan Fernandez at Johnny Pimentel na mayroon ngang pulong na magaganap sa pagitan nina Cayetano, Velasco at nang Pangulo upang ayusin ang usapin sa term-sharing agreement.

Gamit naman ang kanyang social media accounts, ipinaalala kahapon ni Velasco ang 15-21 term agreement nila ni Cayetano.

Aniya, batay sa kanilang kasunduan, magtatapos ang unang termino sa September 30 at agad naman uupo ang susunod.

Ayon kay Velasco, bilang tunay na lider, dapat ay tuparin nila ang kanilang kasunduan na kanilang ginawa mismo sa harapan ng Pangulong Duterte

Pero ayon kay Deputy Speaker Lray Villafuerte bigo si Velasco na patunayan sa mga kasamahang kongresista ang kanyang kakayahan para maging lider ng Kamara.

Ayon kay Villafuerte, kulang sa karanasan at kakayahan si Velasco kung ikukumpara kay Cayetano.

Punto pa nito na dahil sa pagiging “missing in action” si Velasco sa mahahalagang pangyayari at isyu sa Kamara tulad noong maipasa ang Anti-Terror Law, ang Bayanihan 1 at 2 ay nawala sa kanya ang pagkakataon na maging Speaker.

Nitong weekend, isang manifesto of recommitment para sa pananatili ni Cayetano bilang House Speaker sa kabuuan ng 18th Congress ang nilagdaan ng nasa 209 na mambabatas, 26 sa mga ito ay lider ng iba’t ibang political parties.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.