QC Gov’t, bumili umano ng overpriced na face shield

Pinagkakitaan daw ng Quezon City Local Government ang nararanasang pandemya, dahil sa pagbili ng mga overpriced na face shield.

Ito ang tahasang akusasyon ni Anak Kalusugan Partylist Rep. Mike Defensor at dating QC First District Rep. Bingbong Crisologo.

Sa online program ng Malayang Quezon City na inilabas sa Facebook, sinabi nina Defensor at Crisologo, mataas ng P47 ang presyo ng face shield na binili ng lokal na pamahalaan.

Batay aniya sa price listing na aprubado ng Department of Trade and Industry (DTI) noong 2020, P20 lamang ang kada isang piraso ng face shield pero binili ito ng Office of the Mayor sa presyong P67 kada isang piraso.

Batay sa purchased order na hawak ni Defensor, bumili ng 400,000 piraso ng face shield ang city government sa halagang P27 million, sa pamamagitan ng negotiated bidding noong nakalipas na buwan ng December 2020.

Ito ay ang mga face shield na ipinamimigay ng lungsod sa mga residente.

Sabi ni Defensor, kaduda-duda ang pagbili ng lokal na pamahalaan ng multi-million pisong halaga ng face shield sa Strength Medical and Drug Supply, na isang single proprietor lamang at hindi sa isang malaking kumpanya.

Hinihintay pa ng Radyo Pilipinas kung ano ang paliwanag ni City Mayor Joy Belmonte sa akusasyon ito ni Rep. Mike Defensor, na matunog na makakalaban nito sa pagka alkalde sa 2022 national at local elections.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.