Rally sa SONA 2020 ni Pangulong Duterte, hindi haharangin ni QC Mayor Joy Belmonte

Walang plano ang pamahalaan ng Lungsod Quezon na pagbawalan ang mga nakatakdang kilos-protesta sa darating na ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa programang Public Briefing, pinapayagan nila ang mga pagra-rally dahil naging parte na rin ito ng tradisyon.

Ayon pa kay Belmonte nagkaroon na ng pagkakaintindihan ang kapulisan na papayagan ang mga magra-rally subalit kailangan ng mga ito na sumunod sa Batas Pambansa 880 o ang pagprotekta sa karapatang magtipon-tipon upang maglabas ng saloobin, basta’t humingi muna ng permit mula sa lokal na gobyerno at Philippine National Police (PNP) ang mga raliyista.

Base pa rin sa BP 880 kinilala ang mga “freedom park” na maaring pagdausan ng mga kilos-protesta o magsagawa ng programa na kahit walang permit.

Matatandaan na taon-taong inuulan ng mobilisasyon ang QC, madalas sa Commonwealth Avenue, tuwing SONA — kung saan inihahayag ng presidente ang mga “accomplishments” at mga nais makamit ng administrasyon sa mga nalalabing taon ng panunungkulan.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.