Rep. Eric Yap, PhilHealth scam kakalkalin din sa panahon ni PNoy

Nais ni ACT-CIS Representative Eric Yap na kalkalin din at simulan ang imbestigasyon ng korapsyon sa loob ng PhilHealth noong administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Ayon kay Rep. Yap, una na ring nabunyag at lumutang ang milyon-milyong kinurakot na pondo mula sa PhilHealth noong panahon ni PNoy, kabilang na ang malaking suweldo at allowance ng mga opisyal tulad ni Senadora Risa Hontiveros na noo’y board of director ng ahensya.

“Wala namang nangyari at walang nakulong na opisyal kaya patuloy ang nakawan sa pondo ng PhilHealth na kontribusyon ng mamamayan,” ani Yap.

Sinabi ni Yap na hangga’t walang nakukulong na mataas na opisyal ng PhilHealth ay hindi titigil ang pagnanakaw sa perang pinaghirapan ng bawat miyembro ng nasabing tanggapan.

Si Yap na chairman ng House committee on appropriations ay nagsabing naglalabasan ang korapsyon ngayon sa PhilHealth dahil may lakas ng loob na magsalita ang ilang matitinong empleyado at opisyal sa loob ng ahensya sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Aniya, marapat lang na makulong ang mga taong responsable sa pandarambong sa pondo ng pamahalaan.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.