Rep. Fidel Nograles, nanawagan na COVID-19 muna ang tutukan bago ang death penalty

Nanawagan si Rizal 2nd District Representative Fidel Nograles sa mga kasamahang mambabatas na unahin muna ang pagtutok sa COVID-19 pandemic bago pag-usapan ang panukalang ibalik ang parusang bitay.

Giit ng kongresista na maraming kulungan sa bansa na kalat na ang COVID-19 na aniya’y mas naka-aalarma kaysa talakayin ang ukol sa death penalty.

Paglilinaw pa ni Nograles, Vice Chairman ng House Committee on Justice na suportado niya ang pagbabalik ng parusang bitay sa karumal-dumal na krimen, subalit kung hustisya ang kanilang paguusapan, makabubuti aniyang paglaanan ng panahon ng Kongreso ang mga isyung may kinalaman sa pandemya at kung paano mapipigil ang pagkalat nito ang pagkalat nito.

Giit pa ng mambabatas na mas mabuting talakayin ang pagbabalik sa parusang bitay kapag kontrolado na ng gobyerno ang krisis sa kalusugan.

Kasabay nito ay umapela si Nograles sa gobyerno na madaliin na ang pagpapalaya sa mga tinatawag na “low-risk and vulnerable persons” sa mga kulungan upang hindi na mahawahan pa ng COVID-19.

Sa datos ng Department of Interior and Local Government nasa 22,000 na bilanggo na ang napalaya sa may 470 na kulungan sa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology.

Umaasa naman ang mambabatas na masusundan pa ito upang matiyak ang kaligtasan hindi lamang ng mga preso kundi maging ng mga jail personnel.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.