Rep. Herrera-Dy sa DOJ at NBI: i-secure ang mga dokumento ng PhilHealth bilang ebidensya vs. mga opisyal nito

Pinakikilos ni Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera-Dy ang Department of Justice at National Bureau of Investigation (NBI) na agad i-secure ang mga dokumento at computer ng PhilHealth bilang mga ebidensya sa pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng ahensya.

Kasunod ito ng pagsang-ayon ng Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng Task Force PhilHealth na sampahan ng kaso ang mga top officials ng ahensya dahil sa mga anomalya.

Kung mas maagang makapaglalabas ng legal authorization ang mga awtoridad ay matitiyak na hindi mabubura o mawawala ang mga kinakailangang dokumento mula sa PhilHealth na magdidiin sa mga akusado sa kanilang ginawang pandarambong.

Bukod dito, pinasasama na rin ng mambabatas sa watchlist, hold departure list at interpol notice ang naturang mga opisyal na nakatakdang kasuhan.

Samantala, naniniwala naman si ACT-CIS Partylist Repredentative Jocelyn Tulfo na hindi dapat maabswelto si Health Secretary Francisco Duque III sa nangyaring gusot sa PhilHealth.

Ayon sa mambabatas, hindi lang dapat umalis sa PhilHealth si Duque bilang chair ng board ngunit dapat ding imbestigahan ng Ombudsman at mapanagot sa mga kapalpakan sa PhilHealth.

Muli namang ipinanawagan ni Tulfo na isailalim sa hospital arrest si dating PhilHealth President & CEO Ricardo Morales bunsod naman ng iniinda nitong lymphoma.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.