Rep. Joey Salceda, Reporma sa Philhealth pinamamadali

Hiniling ni House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda sa House leadership na agad aksyonan ang panukalang batas para sa reporma sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at kung maaari ay tukuyin ito bilang isang urgent bill.

Ito’y matapos aprubahan in principle ng Senado ang Senate Bill 1829 na siyang counterpart measure ng inihaing House Bill 7578 o PhilHealth Reform Act ni Salceda.

Layon ng naturang panukala na makapagpatupad ng overhaul sa operasyon ng state health insurer upang matiyak na mapopondohan ang universal health care, at maaalis ang ugat ng korapsyon at maling pamamahala sa ahensya.

Isa na nga sa mga nakapaloob dito ay ang pag-amiyenda sa PhilHealth charter kung saan itatalaga na bilang chair ng PhilHealth Board ang Secretary of Finance gayundin ang pagtatalaga sa Bureau of Treasury bilang fund manager reserve fund ng ahensya.

Binibigyang mandato rin na magsagawa ng independent audit sa PhilHealth na hiwalay pa sa auditing na ginagawa ng Commission on Audit (COA).

Nakasaad din dito na hindi na pagbabayarin ng PhilHealth premium contributions ang mga overseas Filipino worker (OFW).

Ipapantay din sa buwanang kita ng isang manggagawa ang babayarang kontribusyon sa PhilHealth at ibababa ang monthly contribution ng mga minimum wage earner, na exempted sa pagbabayad ng income tax sa ₱100 na lamang kada buwan.

Pinabubuo rin ng isang national health database ang PhilHealth para sa claims and benefits para sa isang one-patient, one-record principle.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.