Request ni VP Leni na dagdag pondo sa war on drugs, suportado ni Sen. Bong Go

Suportado ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang kahilingan ni Vice President Leni Robredo na dagdagan ang pondo para sa war on drugs upang tuluyan nang masugpo ang problema.

Sa pahayag, sinabi ni Go na susuportahan niya ang lahat ng bagay na makatutulong kay Robredo sa pagsugpo sa droga.

“Ako, as a legislator, sabi ko full support ako kung ano ang makatutulong. Basta ang hangarin ay masugpo ang droga,” Go said. “Ngayon 82% ang sang-ayon sa War on Drugs. Malay mo maging 90%, 100%. Tutulong po kami. Basta interes ng Pilipino at wala nang dadagdag pa sa mga biktima ng droga,” ayon kay Go.

Sinabi pa ni Go na dapat maaprubahan at mapirmahan ang 2020 national budget bago matapos ang taon upang maiwasan ang reenacted budget.

“Bago matapos ang taon, signing na dapat with the President. Ayaw na namin mangyari katulad last year. Mahirap ang reenacted budget. Laki ng losses sa gobyerno. Billions ang nawawala kapag reenacted. Isa din cause ito ng inflation during the first semester dahil walang government spending,” ayon sa senador.

Aniya, ipatatawag o iimbitahan ni Pangulong Duterte si Robredo sa pulong ng Gabinete kung kinakailangan.

“Hindi pa sila nag-usap ng Pangulo at sa Gabinete, wala pa akong naririnig. I’m not authorized to speak on behalf of the executive pero sa pagkakaalam ko, wala pang plano (na imbitahan siya). Maybe kapag pag-uusapan na ang droga,” ani Go.

Matatandaang tinanggap Robredo noong Nobyembre 6 ang alok na maging co-chairman ng  Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD) sa ginanap na  press conference.  Nagpadala siya ng liham sa Palasyo na kinukumpirma ang pagtanggap sa posisyon.

Samantala, inihayag ni Go na hindi titigil ang administrasyon sa pagsugpo o paggiyera sa droga hanggang sa huling araw ng termino nito.

“We will not stop up to the last day of our term,” ayon kay Go.

Dahil dito, hinimok ni Go si Robredo na unahin ang kapakanan ng mas nakararaming Filipino sa paglaban sa illegal drugs.

Aniya, partikular na dapat isipin ng pangalawang pangulo ang seguridad ng mga inosenteng biktima ng illegal drugs. Naniniwala siya na tataas pa ang kasalukuyang tantos ng pagsang-ayon ng 82% ng Filipino sa war on drugs ni Pangulong Duterte.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.