Robredo bukas sa pagtakbo bilang Presidente sa 2022

Bukas sa pagtakbo bilang Presidente sa eleksyon sa 2022 si Vice President Leni Robredo ngunit mas pipiliing tumakbo sa lokal na posisyon.

“As of now, okay ako sa kahit ano. Iyong pagpe-president, possible pa rin siya,” saad ni Robredo sa isang panayam ng GMA News.

Giit nito na mas madaling magdesisyon kung may sapat itong pondo.

“Alam niyo naman wala akong resources. Wala akong—iyong partido namin decimated na, kakaunti na lang kaming natira—mahirap. Mahirap,” aniya.

Punto pa nito na maraming isasaalang-alang na bagay bago ikonsidera ang pagtakbo bilang Presidente.

“Possible pa rin. Iyong sinasabi ko lang, siguro kung sufficient iyong resources ko, mas madaling mag-decide for me,” ani Robredo.

“Pero hindi, eh. Alam natin na mahirap iyong… mahirap iyong kalaban kasi iyong lahat na resources nasa kanila,” dagdag ng bise.

Ayon pa sa bise na mas prayoridad nito ang lokal na posisyon kung saan dati itong kinatawan ng Third District ng Camarines Sur.

“Mas priority ko ‘yung local… alam kong may obligasyon ako sa national, alam ko na maraming nag hihikayat sa akin. ‘Yung mga kakampi, at least, naghihikayat sa akin mag presidente,” aniya.

“So parating ayun pa din ‘yun default. Ang gusto ko sabihin siguro mag de-decide lang ako mag local pag sigurado na ako hindi ako kakandidato sa national,” ayon pa sa bise.

Lahad pa nito na maaaring makapagdesisyon ito sa Setyembre.

“Earliest na pag-decide September. Just before the filing,” punto nito.

Nakatakda ang deadline ng filing of certificate of candidacy sa Oktubre 8.

Samantala, sinabi rin ng bise na hindi interesado ang kanyang anak na si Aika sa pulitika matapos may ilang humihikayat dito na pumasok sa pulitika.

Nananawagan din si Robredo sa mga taga-suporta nito na manatiling bukas at unahin ang kapakanan ng bansa.

“So para sa akin, iyong hinihiling ko lang sa supporters, iyon, iyong maging bukas. Basta ang parati hindi iyong support lang sa akin pero iyong best interest ng bansa,” giit ni Robredo.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.