Robredo kay Pangulong Duterte; ‘pangmamaliit’ nya sa kababaihan, may epekto ito sa lahat, hindi lang sa akin!

Para kay Vice President Leni Robredo, hindi lang siya ang nasaktan sa patutsada ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pahayag nitong hindi pambabae ang pagkapangulo.

“Kapag iyong pangulo kasi gumagawa ng mga ganitong statement, may epekto ito sa lahat eh…Hindi ito iyong values na pinapaniwalaan natin,” saad niya.

Aniya, may epekto rin ito sa mga karapatang matagal nang itinataguyod ng kababaihan.

“May epekto ito sa laban natin for gender equality, ‘yung rights of women, na matagal na natin itong ipinaglalaban,” saad niya.

“Hindi lang naman ito kay Mayor Sara o sa akin o kung sino pang mga kilalang women leaders, pero sa lahat ng kababaihang mga Pilipino, lahat ng Pilipina, may epekto iyong mababang pagtingin ng pinuno,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin naman ng Bise Presidente ang gampanin ng kababaihan sa panahon ng pandemya.

Aniya, maraming magagaling na bansa ang pinamumunuan ng mga babae.

“Napapaligiran tayo sa buong mundo ng mga babae na napakahuhusay na chief executives. In fact, during the pandemic, iyong mga best-performing na mga bansa ay led by women. So hindi ko na kailangan itong sagutin nang paisa-isa,” sambit niya.

Kaugnay ito sa pahayag ni Duterte na hindi niya patatakbuhin ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara sa pagkapangulo dahil panglalaki lamang ang trabahong ito.

“My daughter, inuudyok naman nila, sabi ko ‘My daughter is not running.’ I have told Inday not to run kasi naaawa ako sa dadaanan niya na dinaanan [ko],” saad ng Pangulo.

“Hindi ito pambabae. Alam mo the emotional set-up of a woman and a man is totally different. Maging gago ka dito,” dagdag pa nito.

Una nang pinamunuan ng dalawang babae ang bansa – sina Cory Aquino (1986-1992) at Gloria Macapagal-Arroyo (2001-2010).

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.