Robredo sa PH-China joint exploration, 60/40 na hatian luging-lugi tayo

Kahit pa 60% ang makukuhang revenue ng bansa sa gagawing oil and gas exploration ng China at Pilipinas, talo pa rin umano tayo hangga’t hindi kinikilala ng Tsina ang karapatan natin sa West Philippine Sea, saad ni Vice President Leni Robredo.

“Luging lugi tayo, kasi naghain na tayo ng reklamo, pinanalo na natin sa arbitral tribunal. Iyong naiiwan na lang sa atin, i-assert iyong ating karapatan. Bakit hindi pa natin iyon magawa?,” himutok ni Robredo sa midya noong nasa Iloilo ito.

“Wala akong problema kung pumasok tayo sa isang kontrata with them, as long as iyong pinakahihingiin natin sa kanila, i-recognize muna nila iyong ating pag-aari noong teritoryo,” pag-uulit ni Robredo.

Una nang kinumpirma ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. na pinaplano na ng mga opisyal ang exploration sa kanlurang bahagi ng Palawan, kung nasaan ang Recto o Reed Bank.

Parte umano ng territorial waters ng China ang Reed Bank, ngunit nakasaad sa United Nations arbitral ruling na nasa loob ito ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Hindi kailanman kinilala ng China ang pagkapanalo ng Pilipinas sa internasyunal na kaso.

“Bakit tayo papasok sa isang kasunduan with another party, na hindi niya nire-recognize iyong ating ownership?,” giit pa ng Bise.

Ayon sa Presidential Decree Blg. 87, 60-40 ang hatian sa revenue kapag pinagsamantalahan ang likas na yaman ng Pilipinas at ibang bansa.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.