Robredo sa PNP, Pagdeklarang case solved ng Dacera case iresponsable

Iginiit ni Vice President Leni Robredo na iresponsable ang pagdedeklara ng Philippine National Police (PNP) na case solved na ang kaso ni Christine Dacera kahit kulang sa ebidensya.

“Ang laking kasalanan noon sa pamilya ng namatay na hindi klaro sa kanila kung paano namatay iyong kanilang anak. Hindi makatarungan iyon doon sa mga madadawit iyong pangalan, na… hindi gumawa ng maayos na imbestigasyon kung bakit iyon nangyari,” lahad ni Robredo sa kanyang weekly radio show.

“Para sa akin, napaka-irresponsible na sabihin mo na ‘case closed.’ Napaka-irresponsible na sabihin mo na ito iyong dahilan, na wala ka pang basehan,” dagdag ng bise.

“Panlilinlang sa tao iyong ganoon, na bakit mo sasabihin na ‘case closed’ na hindi pa maayos iyong imbestigasyon,” pagpatuloy nito.

Unang araw ng Enero ng matagpuang wala nang buhay si Dacera sa isang hotel sa Makati City matapos magsagawa ng New Year’s party kasama ang mga kaibigan.

Dineklara ni PNP chief Police General Debold Sinas case solved matapos maaresto ang tatlo sa 11 suspek sa insidente.

Ngunit pinakawalan din ito ng Makati City Prosecutor’s office dahil “the pieces of evidence so far submitted are insufficient to establish that she was sexually assaulted or raped.”

Nakatakdang simulan ang imbestigasyon sa Enero 13.

“Paalala ito sa lahat na nagha-handle ng mga crime scenes, lahat na nagha-handle ng mga ganitong parang mysterious na mga deaths: iyong pagiging extra careful sa paghawak ng kaso, iyong pagsisiguro na iyong protocols nasusunod,” aniya.

“Napaka-delikado kasi hindi maayos iyong imbestigasyon, tapos sinasabi mo na na, ‘Ito iyong mga guilty.’ Kung mayroon tayong death penalty, baka nasa death row, tapos hindi naman pala iyon ang nangyari. Napaka-delikado noon,” paalala ni Robredo.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.