Sec. Nograles, Yolanda Permanent Housing Project sa MacArthur, Leyte 100% nang tapos

Pinangunahan ni Secretary Karlo Nograles ang pormal na pamamahagi ng mga yunit ng pabahay para sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda sa isang virtual ceremony noong Huwebes, Oktubre 22, 2020 bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na kumpletohin ang lahat ng mga pabahay sa kabila ng nararanasang Covid-19 pandemic.

Ito ang ika-sampung virtual turnover ng Yolanda Permanent Housing Project, na ginanap sa Paglaum, Brgy. San Isidro, MacArthur, Leyte. Kabuuang 122 yunit ang naipamahagi sa mga local beneficiaries.

“Labis kaming nagpapasalamat sa malugod na paanyaya ni Mayor Rudin Babante at ng iba pang mga LGU officials na sumali sa atin online. Ang turnover ay mas naging makabuluhan din dahil sa aktibong pakikilahok ng mga residente na direktang nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa mga libreng yunit ng pabahay,” pahayag ng opisyal ng Malacañang.

Pinuri ni Nograles, chair ng Task Force for the Unified Implementation and Monitoring of Rehabilitation and Recovery Projects and Programs in the Yolanda-affected Areas or Task Force Yolanda, ang iba’t ibang national at regional partner agencies dahil sa “masigasig na pagtatrabaho at walang humpay na pagsi-serbisyo sa kabila ng mga hamon sa kalusugan na dala ng Corona virus.”

“Ang walang kapagurang pagsisikap ng mga local chief executives, sa pakikipagtulungan ng National Housing Authority Region 8 sa ilalim ng pamumuno ni Regional Manager Engr. Dodong Antiniero at District Manager Marilyn Lauzon kung kaya naging posible ang matagumpay na turnover. Nagbunga na ang ating sama-samang pagsisikap. Ang lahat ay kailangang papurihan dahil sa maayos na trabaho. Ito ang kakanyahan ng selfless public service,” ayon sa dating mambabatas ng Davao.

Ayon sa Kalihim ng Gabinete, alam na alam ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kalagayan ng mga tao sa kanayunan, partikular sa mga umaasa ng tulong mula sa gobyerno tulad ng mga pamilyang iginupo ang buhay at kabuhayan ng Bagyong Yolanda.

“Iyon ang dahilan kung bakit ginawang pangunahing prayoridad ng Pangulo ang proyektong pabahay na ito sa mga naapektuhang lalawigan, kahit na sa panahon ng pandemyang ito.”

Batay sa datos ng NHA, as of October 12, 2020, sa target na 53,038 housing units para sa Region 8, nakompleto na ang 37,414 units o katumbas ito ng 70.54% completion rate. Ang natitirang 15,624 units ay sumasailalim pa sa konstruksyon.

“Ipinagmamalaki kong sabihin na 100% ng tapos ang 112 na ipinangako naming pabahay dito sa MacArthur, Leyte. Ito ang resulta ng ating pagtutulungan,” saad ng opisyal.

Sa kanyang bahagi, sinabi ni Mayor Babante na “sa ngalan ng kanyang nasasakupan, aming pinasasalamatan ang Pangulo at ang iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno tulad ng NHA na tumulong sa mga mamamayan ng MacArthur. Gagawin namin ang lahat upang maging karapat-dapat sa may kabutihang-loob na regalong ito.”

Bilang tugon, ipinahayag ni Nograles na “ginagawa lamang ng gobyerno ang tungkulin nito. Ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo ay mahalaga sa good governance. Inaasahan namin na itong libreng pabahay ang mag-uudyok sa paglago ng mga responsableng pamilya at pamayanan at pagbutihin ang kanilang buhay. We build, so the people can rebuild.”

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.