Sec. Panelo kay Robredo: mali-mali ang facts, Pardon kay Pemberton nasa batas

Nasa Saligang Batas ang paggawad ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Si Pemberton ay nahatulang makulong ng 10 taon dahil sa pagpatay kay Jennifer Laude, ang transgender woman sa Olongapo noong Agosto 2014.

Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na prerogative ng Pangulo na i-extend ang “mercy or pardon” sa isang tao na nakakulong na natugunan ang kuwalipikasyon.

“Yung mga sinasabi nila na kung Pilipino, kulong, ‘yung dayuhan, hindi. Hindi totoo ‘yan, may mga record na sa ating prisons ay makikita na mula noong maupo si Presidente, 139 ang na-grant ng pardon. Apat ang dayuhan, 135 mga Pilipino. So maling mali na sila doon. Ano pa ang nirereklamo nila? Sabi nila, bakit daw ni-release kaagad, kasi ang feeling ng Presidente, naging unfair tayo doon kay Pemberton. Bakit kamo, kasi mayroon tayong tinatawag na good conduct na binibigay sa mga sumusunod sa regulasyon,” ayon kay Sec. Panelo.

“Ayon sa kanila, wala naman daw, unang una hindi raw entitled. Pero alam mo ang batas ay klaro, kung ikaw ay na-detain at wala ka pang conviction, kung ano ‘yung number of days na na-detain mo, included ‘yun sa penalty mo. So maximum penalty niya ay 10 years, ngayon sabi nila, kung hindi mo iko-consider ‘yung good conduct, saka ‘yung preventive suspension, mayroon pa siyang sampung buwan,” dagdag na pahayag ni Sec. Panelo.

Pero ang sabi nga aniya ng Pangulo, unang una ay nakulong si Pemberton sa Camp Aguinaldo.

Wala naman aniyang nakitang reklamo ang Pangulo na lumabag si Pemberton sa mga regulasyon, na gumamit ito ng droga, nagdala ng mga bawal, pornographic materials, o kaya naman ay nagwala at nanggulo si Pemberton.

“Wala yun eh, so sabi niya, dapat i-consider natin ‘yun. Eh since, inirereklamo hindi naman daw, sabi niya, parang unfair naman, kaya kailangan i-release na natin ‘yan, kaya binigyan niya ng pardon,” ayon kay Sec. Panelo.

Sa kabilang dako, hindi naman maintindihan ni Sec. Panelo kung bakit nag-iingay si Vice-President Leni Robredo sa usaping ito at nagpahayag pa ng “Isa lang ang kasong ito sa maraming patunay ng pagkiling sa makapangyarihan na nakikita natin mula sa pamahalaan.

Napakaraming mga Pilipino na mas magaan ang sala, ngunit hindi nabibigyang-pansin o nabibigyan ng ganitong uri ng pribilehiyo.”

“Paano niya nasabi ‘yun, eh gaya nga ng sinabi ko, eh 135 nga ang na-pardon eh, apat lang ang dayuhan. Pangalawa, hindi ba, marami nang nakulong na malaking tao. Lalo na ‘yung mayayaman na involved sa droga, public officials pa, mga tinanggal ni Presidente,” ang pahayag ni Sec. Panelo.

Kaya nga ang buwelta ni Sec. Panelo kay VP Leni ay hindi totoo ang mga sinasabi nito.

“As usual, mali na naman ‘yung facts niya,” diing pahayag nito.

Samantala, tinawag naman na ignorante ni Sec. Panelo ang abogado ng pamilya Laude na si Atty. Virgie Suarez.

Sa ulat, sinabi kasi ni Atty. Suarez na “This is a travesty of Phil Sovereignty and democracy. This is another hallmark of Philippine’s subservience to the US.”

“Eh kasi nga, ignorante siya number of pardons na na-grant. Apat lang ang dayuhan, 135 ang Pilipino,” diing pahayag ni Sec. Panelo.

Wala namang ideya si Sec. Panelo kung sino ang tatlo pang dayuhan na napagkalooban ng absolute pardon na kasama ni Pemberton.

“Hindi ko alam, galing ‘yun sa Department of Justice, sila ang may alam nun kung sino. Pero kasama na si Pemberton doon. Yung dalawa pa nga doon parang exchange of prisoners doon sa Arab country,” lahad nito.

Samantala, wala namang kinalaman sa naging pagbisita ni outgoing U.S. Ambassador Sung Kim sa Malakanyang ang isyu ni Pemberton .

“Ang sabi ni, ang narinig ko kay Secretary Guevarra, walang kinalaman doon. Usual kasi ‘yun ‘pag aalis na, nagbibigay ng courtesy call. Goobye call, iyon ay sosyalan lang ‘yun. Hindi pinag-uusapan ang mga official ano doon, subject matters,” ayon kay Sec. Panelo.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.