Sec Panelo sa mga artista, hindi nagbabasa, nakiki-sawsaw sa anti-terror bill

Kinastigo ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo ang mga artistang nakiki-ride on lang sa isyu ng Anti-Terror bill na naipasa ng Kongreso.

Halatang-halata ayon kay Sec .Panelo na sumasakay na lang ang mga artistang kontra sa nasabing enrolled bill kahit hindi naman nila nabasa o naintindihan ang mga probisyon ng naipasang panukalang batas.

Halatang-halata rin aniya na nakikinig lamang ang mga artista sa mga tao o grupong tutol sa Anti-Terror bill at nagpapaimpluwensiya ang mga ito.

“Yung mga celebrities na kumokontra eh, kahit naman hindi nila nababasa sumasakay sila. Nakikinig sila kasi doon sa mga kontra kasi, tapos nagpapaimpluwensiya sila,” ayon kay Sec. Panelo.

Kaya ang payo ni Sec. Panelo sa mga celebrity na kontra na maipasa ang panukalang batas ay pakinggan ang posisyon ni Congresswoman Lucy Torres Gomez baka sakaling maliwanagan ang isip ng mga ito.

Bukod pa sa makabubuting pag-aralan muna ng mga ito ang nasabing enrolled bill bago magsalita para hindi sila mapulaan o pagtawanan ng netizens na nakakaintindi sa isyu.

“Pakinggan nila si Congresswoman Lucy Torres Gomez, saka pag-aralan nila,” diing pahayag ni Sec. Panelo.

Samantala, pinuri naman ng Malakanyang ang malinaw na posisyon at paliwanag ni Cong. Torres sa Anti-terror bill kung saan inihayag nito na ang naipasang panukalang batas ay para sa mga terorista at hindi para sa mga aktibista.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.