Sec Panelo sinagot si Drilon sa sinabing di na pwedeng arestuhin ang mga lumabag sa quarantine

Sinalungat ng abogado ng Malacañang ang pahayag ni Senador Franklin Drilon na hindi na maaaring manghuli ang mga awtoridad laban sa mga lumabag sa community quarantine dahil napaso na ang Bayanihan to Heal as One Act.

Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo na kahit tapos na ang Bayanihan Act, maaari pa ring arestuhin ang mga lalabag sa curfew dahil mayroong ordinansa ang city mayors sa Metro Manila laban sa mga lalabas sa panahon ng community quarantine.

“Bakit naman hindi? Dito sa Metro Manila, ang lahat ng siyudad ay mayroong ordinansa sa curfew, kaya ang sinumang lalabag ay aarestuhin at uusigin. So kahit wala na ang Bayanihan Act ay puwede ka pa rin arestuhin,” giit ni Panelo.

Sinagot din ng abogado ang isyu ng mass gathering na ayon kay Drilon ay hindi na dapat manghuli ang mga pulis dahil nga expired na ang Bayanihan Act.

Ayon kay Panelo, mayroon umanong regulasyon ang local government units sa mga rally at demonstrasyon at kailangang kumuha ng permit bago makapaglunsad ng mass gathering.

“Mayroong ordinansa kung saan nire-regulate yung mass gathering like yung rally, demonstrations. Kailangang kumuha kayo ng permit, siyempre susundin n’yo yon dahil tungkulin ng mga LGU na pangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng kanilang constituents,” dagdag ni Panelo.

Pinaalala rin ng kalihim kay Drilon ang Executive Order No. 168 noong panahon ng Aquino administration na lumikha sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, kung saan hinahadlangan ang pagpasok o pakikihalubilo ng mga taong may hinihinalang nakakahawang sakit sa bansa.

Sinabi ni Panelo, kung mayroong humalong may sakit sa isang pagtitipon ay maaaring ipatupad ang nabanggit na EO.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.