Sec. Sal Panelo, kinumpirma ang kagustuhang tumakbong Senador sa 2022 elections

Sinabi ni Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo na handa itong tumakbo sa darating na 2022 elections.

Sa panayam kay Panelo, kung papalarin, pangunahing prayoridad ng kanyang kampanya ngayong darating na 2022 elections ang edukasyon.

Kinumpirma ito ng kalihim sa tanong ng SMNI kung interesado ito sa pagtakbo sa government position.

Aniya, marami ang nag-aalok sa kaniya at isa na dito ang mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Dagdag aniya kung papalarin wala namang masama sa kaniyang pagtakbo

“Si President Duterte gusto akong patakbuhin, ang sabi ko po sa kanya kung saan ako makakatulong sa bayan doon ako pupunta. Kung sa tingin ni Presidente ako’y makakatulong sa bayan tatakbo ako sa Senado,” pag-amin ni Panelo.

Dagdag pa nito, sakaling suportahan siya ng taumbayan, ay hindi nito bibiguin ang bansa lalo na sa larangan ng edukasyon na mahalaga para sa mga kabataan kung saan ay prayoridad niya ang mga mahihirap.

“Kailangan natin ay edukasyon. Lahat ng sambayanan ay dapat makapag-aral. Libre lahat mula sa prep hanggang college. Lahat po yun ha. Wala pong hindi maaring ilibre. Maliban na lang doon sa middle upper class kasi mayayaman naman ang mga yun at saka yung mga elite,” sabi pa ni Panelo.

Samantala, kung magtutuloy-tuloy naman aniya ang kanyang karera sa politika, personal choice ng kalihim ang Duterte-Duterte tandem o Mayor Inday at President Digong tandem bilang presidente at vice president nito.

Ito’y upang mapangalagaan aniya ang legasiya ng magandang pamumuno ng papatapos na liderato ni Pangulong Duterte.

Pero may hirit din ang kalihim, maliban kay Davao City Mayor Inday Sara Duterte, buo rin ang kanyang tiwala kay Special Assistant to the President Senator Bong Go dahil sa malawak na rin na karanasan nito sa politiko bagama’t baguhan sa Senado pero hindi rin aniya basta-basta ang karanasan nito na makasama ng mahigit dalawang dekadang karera ni Pangulong Duterte sa politika.

Nilinaw ni Secretary Panelo na hindi pa rin naman maapektuhan ang trabaho nito bilang legal counsel ng Malakanyang.

Patuloy pa rin nitong inaalam ang pulso ng administrasyon at ng taumbayan sa magiging kapalaran nito sa pulitika.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.