Sen. Bato, paiimbestigahan ang censorship ng Facebook sa ilang advocacy pages na sumusuporta sa gobyerno

Isinusulong ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na maimbestigahan sa Senado ang pagkakatanggal ng Facebook ng mga profile at advocacy pages na sumusuporta sa gobyerno at sa mga hakbang nito kontra terorismo.

Sa Senate Resolution 531 na inihain ng senador, nais nito na silipin ng Senado ang aniya’y censorship action na ginawa ng Facebook upang matiyak na walang naging paglabag sa freedom of speech at expression na iginagawad ng konstitusyon ng Pilipinas.

Ayon kay Dela Rosa, 57 accounts, 31 pages at 20 Instagram profiles ang tinanggal ng kumpanya kung saan kabilang ang mga content na sumusuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte; nagpapahayag ng mga isyung mahalaga para sa mga OFW; aktibidad ng militar kontra terorismo; anti terrorism law; posts laban sa Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA), at sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP); at iba pa.

Partikular na tinukoy ng senador ang pagkakatanggal ng ‘Hands off our children’ advocacy page na pinangangasiwaan umano ng grupo ng mga magulang na layong protektahan ang kanilang mga anak mula sa violent extremism.

Ayon aniya sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ang advocacy page ay nagbibigay kaalaman tungkol sa vulnerability ng mga kabataan sa kamay ng communist-terrorist groups gaya ng CPP-NPA na kinikilala bilang teroristang grupo hindi lamang sa bansa kundi maging sa Estados Unidos, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, at New Zealand.

Giit ni Dela Rosa, maaaring makaapekto sa hakbang ng pamahalaan kontra sa paglaganap ng violent extremism sa bansa ang ginawang censorship ng Facebook.

Kailangan aniyang imbestigahan ito ng Senado dahil hindi lang ang peace and order at seguridad ng bansa ang apektado kundi maging ang kalayaang magpahayag ng bawat Pilipino.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.