Sen. Bong Go, sinabon ang mainstream media sa pagtulong sa nasunugan: ‘Gusto ko lang po magserbisyo’

Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na wala siyang planong tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2022 national elections, gaya ng iniisip ng iba, sa pagsasabing nais lang niya makatulong at magserbisyo sa mga tao kaya hindi siya tumitigil sa pagbisita sa mga nasusunugan, biktima ng lindol at baha sa iba’t ibang lupalop ng bansa.

watch the video here:

“Wala po akong interes tumakbo sa kahit anong posisyon (sa 2022). Basta committed ako, ang trabaho ng isang senador—legislation, constituency at representation. Hindi ko matiis na nakaupo lang diyan sa Senado habang ang ating mga kababayan naghihintay ng tulong, nagmamakawa,” ang sabi ni Go sa panayam ng mga mamamahayag.

Ayon kay Go, wala siyang ibang ambisyon kundi ang tuparin ang kanyang mga ipinangako at tungkulin bilang isang senador.

“Wala akong ambisyon kahit anong posisyon. Senador na po ako, isa lang po akong probinsiyano na binigyan ng pagkakatoan na maging senador. Binigay na po ng Diyos sa akin ang pagiging senador, wala na akong hihilingin pa sa Diyos, ibabalik ko sa tao,” aniya.

Noong Huwebes ng hapon ay nagtungo si Go sa evacuation center na tinutuluyan ng mga nabiktima ng sunog sa Quiricada St. Sta. Cruz, Maynila.

Pero bago ito, dinalaw din noong umaga ng senador ang mga nasunugan din sa San Pedro, Laguna para magbigay ng tulong.

Tila naging panata na niya na mag-ikot sa bansa basta may mga nasusunugan o biktima ng kalamidad para magbigay ng pagkain at pinansiyal na tulong sa mga residente.

Aniya, ginagawa lang niya ang kanyang naging pangako matapos ang kanyang proklamasyon bilang senador. Iginiit ni Go na hindi pangangampanya ang kanyang ginagawa kundi pagtulong lamang sa mga taong nangangailangan.

“After proclamation ko pa lang, nangako ako sa taumbayan na iikutin ko kayo kahit saang sulok kayo ng Pilipinas. Tapos na po ang eleksyon, kampanya pa rin ba ang tingin n’yo dito? Senador na po ako, kailangan ng tao ang tulong, ipagkakait ba natin sa kanila?” aniya.

Nais din niya na ang sinomang susunod na Pangulo ng bansa ay maipagpatuloy ang repormang sinimulan ni President Rodrigo Duterte.

“Ang gusto ko lang po sa susunod na magiging presidente ng ating bansa, ipagpatuloy n’yo po ang pagbabagong inumpisahan ni Pangulong Duterte. Kung sino po ang magpapatuloy ng pagbabagong inumpisahan ni Pangulong Duterte sa 2022 ‘yun po ang aking susuportahan,” ani Go.

Idinagdag niya na nakahanda pa siyang maging campaign manager ng sinomang kandidato na makagagawa ng ginawa ni Pangulong Duterte.

Anang dating Special Assistant to the Presidential, babalik din sila ni Pangulong Duterte sa Davao kapag tapos na ang kanilang termino.

“Wala kaming ibang interes dito kundi ipagpatuloy lang ang pagbabago. Magseserbisyo lang kami sa tao pagkatapos uwi na kami ng Davao. Probinsiyano lang po kami,” ani Go.

Aniya, nanggaling sa mga mabubuting kaibigan o pribadong indibidwal ang mga bagay na kanilang itinutulong sa mga biktima ng kalamidad.

“May financial assistance ng mga kaibigan ko ang pinamimigay ko dito, pati pagkain, groceries ipinamimigay namin dito. Iba rin ‘yung sa gobyerno, namimigay sila ng kanila including the DSWD, merong silang programa bigay tulong dito sa mga nasunugan,” ani Go.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.