Sen Bong Revilla Jr, nanawagang ibalik ang death penalty

Muling binuhay ni Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., ang panawagang ibalik ang parusang kamatayan matapos ang nag viral na video ng pulis na namaril ng mag ina sa tarlac.

Ayon kay Revilla, hindi sapat na matanggal lang sa serbisyo si Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca, para mabigyang hustisya ang ginawa niya kina Sonya at Frank Gregorio.

Aniya, ang insidenteng ito ay isang patunay na kailangan ng ibalik ang death penalty.

Pinuna rin ng senator ang ilang pulis, na tila dinedepensahan pa sa social media ang ginawang krimen ni Nuezca…

Giit ni Revilla, maging sila ay dapat imbestigahan, ipa-evaluate muli at ipadaan sa neuro-psychiatric test ng Philippine National Police (PNP), at ang National Police Commission (NAPOLCOM).

Nais rin ng senator, na ipaliwanag ng pamunuan ng PNP kung paano napanatili sa serbisyo si Nuezca sa kabila ng record nito, na kinabibilangan ng dalawang kaso ng homicide noong nakaraang taon.

Dapat aniyang rebyuhin muli ng PNP ang kanilang standards, at hindi dapat hayaan ang mga bulok sa organisasyon dahil madadamay lang ang buong kapulisan.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.