Sen. De Lima nakakulong na, operator pa; Mga tauhan kakasuhan

Nagbanta ang mga abogado ng Pangulong Duterte na ihahanda nila ang kaukulang kaso laban sa mga tauhan ng nakakulong na si Senadora Leila de Lima.

Ito’y bunsod ng patuloy na paninira ng mga galamay ni De Lima kay Pangulong Rodrigo Duterte at pagpapakalat ng pekeng balita hinggil sa umano’y karamdaman nito.

Naniniwala ang mga abogado ng Pangulo na kahit nakakulong si De Lima, patuloy nitong pinagagalaw ang kanyang mga tauhan para sirain ang magandang imahe ng Pangulo.

Kabilang sa mga sinasabing galamay ni De Lima ang kanyang consultant na si Atty. Josef Leroi Garcia at Atty. Dino de Leon na abogado niya sa kanyang mga kaso na may kinalaman sa droga.

Pinakahuling ginawa ni Garcia ang pagpapakalat ng pekeng balita sa pamamagitan ng Facebook account nito na nagsasabing may medical jet na nagpabalik-balik sa Davao City at Singapore.

Kasabay ng kanyang post, kumalat ang pekeng balita na nagkasakit ang Pangulo at nagpagamot umano sa Singapore.

Naniniwala ang mga abogado na fake news ang ipinakalat na balita ng mga ito hinggil sa kalagayan ng Pangulo at gawa-gawa lamang ito ng mga kritiko ng administrasyon sa pangunguna umano ni De Lima.

Napag-alaman na si Garcia ay kilalang masugid na tagasuporta ni De Lima simula pa noong nanungkulan ang senadora sa Commission on Human Rights, Department of Justice at hanggang sa maupo ito sa Senado.

Si Garcia rin na consultant ni De Lima ang napabalitang galit na galit sa mga miyembro ng National Bureau of Investigation at Presidential Security Group na naghanap kay Carmela Buan Laxina na nanawagan sa Abu Sayyaf Group na tumulong sa pagpatay sa Pangulo sa mga buwan ng Abril hanggang Mayo, 2020.

Sa kanyang Facebook account, sinabi ni Laxina, “Please, patayin na ‘yang taksil sa Pilipinas. Pls. Abu Sayyaf, pakitulungan po para mapatay na itong buwang na Pres. para maibsan na ang salot sa Pilipinas.”

Kumilos naman ang NBI batay sa utos ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nagsasabing bawal sa batas ang paglalabas ng mga pekeng balita, gaya ng isinasaad ng Article 154 ng Revised Penal Code of the Philippines na nagsasabing “Any person who by means of printing, lithography, or any other means of publication shall publish or cause to be published as news any false news which may endanger the public order, or cause damage to the interest or credit of the State.”

Samantala, abogado rin ni De Lima si De Leon na naghain naman ng health disclosure case laban sa Pangulo sa Korte Suprema na ibinasura ng huli noong Mayo 2020.

Nauna rito, umapela si Presidential spokesperson Harry Roque sa publiko na tumingin sa official website ng pamahalaan para makaiwas sa fake news lalo na’t may kinalaman sa kalusugan ng Pangulo.

Aniya, kung hindi nakalagay sa web page ng Office of the Presidential Spokesperson o ng Presidential Communications Operations Office na nagkasakit ang Pangulo, “chances are na tsismis lamang iyong ipinakakalat ng mga kritiko ng administrasyon.”

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.