Sen. Dela Rosa, Death-penalty may tsansa sa Senado

Kumpiyansa si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na maibabalik ang death penalty sa pagsisimula ng debate sa Senado.

“Malaki ang tsansa na namin dahil 7 na kami nag-o-author ng bill na ‘yan. Alam namin ‘yung ibang senador na 50-50 baka ‘pag nadebatehan na ‘yan makumbinsi pa natin. So malaki ang fighting chance natin,” ani Dela Rosa sa isang panayam ng TeleRadyo.

“Wala akong ibang plataporma kundi death penalty talaga. Ako ay ipinanalo ng mga kababayan natin by 19 million votes dahil sa ating plataporma,” saad ng senador.

Una nang inihain ni Dela Rosa na ang death penalty ay para lamang sa mga kasong may kinalaman sa droga,

Aniya, maaaring maisama ang mga karumaldumal na krimen sa gitna ng debate.

Muling naging maingay ang pagbabalik ng death penalty matapos ang walang habas na pagpatay ng isang pulis sa mag-inang kapitbahay sa Tarlac.

“Napakalaki ng porsyento ng taumbayan na gustong bumalik ang death penalty,” lahad ng senador.

“Lalong lalo na sa sitwasyon ngayon na nadagdagan nu’ng nangyari sa Tarlac na walang habas na binaril ang mag-ina na walang kalaban laban,” aniya pa.

Hinimok rin ni Dela Rosa ang mga kapwa senador na kaagad magkaroon ng pagdinig sa inihaing batas.

“Kinakalampag namin palagi na sana huwag upuan sa committee ‘yung mga bills natin dahil hindi umuusad at ilang taon na ang nagdaan,” punto ni Dela Rosa.

Matatandaang ibinasura ang death penalty noong 2006 sa ilalim ng pamumuno ni President Gloria Macapagal-Arroyo.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.