Sen. Drilon, binalaan si PNP Chief Gamboa sa naging pahayag nito sa pagsasagawa ng COVID-19 house-to-house search

Nabahala si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa naging pahayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Archie Gamboa na naghahalintulad sa house-to-house search para sa COVID-19 patients sa paghahanap ng mga kriminal.

Ayon kay Drilon, hindi tama ang naging pahayag ni Gamboa at nakakadagdag lang ito sa takot at kawalang-tiwala ng publiko sa mga pulis.

Kaya naman binalaan ng senador ang hepe ng Pambansang Pulisya at ang iba pang opisyal na maging maingat sa pagpili ng mga salitang gagamitin sa kanilang mga pahayag.

Aniya ang mga indibidwal na tinamaan ng COVID-19 ay hindi mga kriminal at hindi kailanman dapat ituring o ikumpara sa mga kriminal.

Tanong ngayon ng minority leader, kung ang isang suspected COVID-19 patient ba ay tatangging magpadala sa mga quarantine facilities, magkakaroon ba ng pagtaas rin sa kaso ng mga ‘nanlaban’ gaya ng nangyari sa Oplan Tokhang ng PNP?

Ayon kay Drilon, ganito ang nagiging problema kapag ang isang public health issue ay ginagawang law and order issue.

Giit nito, ang virus ang kalaban at hindi ang mga tao.

Mungkahi ng senador sa mga awtoridad, imbes na balaan ang publiko ay dapat palakasin ang tiwala at kumpiyansa ng lahat sa kampanya ng pamahalaan kontra COVID-19.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.