Sen. Drilon, nanawagan sa reorganization ng PhilHealth, sa gitna ng isyu ng overpricing sa COVID-19 test package

Panahon na para sa reorganization ng Philippine Insurance Corporation (PhilHealth) ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Ito ang pananaw ng senador matapos ang mga kontrobersiya ng overpricing sa coronavirus disease (COVID-19) test package.

Tingin ni Drilon, dapat silipin at i-reorganize ang ahensya para matigil na ang korapsyon dahil maaari aniyang may isang grupo sa loob ng PhilHealth na nasa likod ng pagse-set ng mga matataas na packages na ito.

Binigyang-diin ng minority leader na hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot sa anomalya ang PhilHealth gaya na nga lang ng isyu sa ‘ghost dialysis’ noong nakaraang taon.

Matatandaang si Drilon ang sumita sa mataas na singil ng PhilHealth sa COVID-19 testing na umaabot ng P8,150 gayong ang alok lamang ng Philippine Red Cross (PRC) dito ay nasa P3,500 lamang.

Aniya, bagamat ayaw niyang isiping sinadyang taasan ng PhilHealth ang rate ng COVID-19 testing, nakikita naman niyang mayroong ‘prima facie’ evidence na mayroong anomalya.

Naniniwala rin si Drilon na maaaring mapanagot sina PhilHealth President at Chief Executive Officer Ricardo Morales at Health Secretary Francisco Duque III dahil sa isyung ito.

Sa huli, sinabi ng senador na dapat patuloy na bantayan ng publiko ang imbestigasyon dito upang hindi makalimutan.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.