Sen. Drilon sa NBI official na nahuling tumatanggap ng suhol, dapat sampahan ng disbarment case

Nais ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na matanggalan ng lisensya bilang abugado si National Bureau of Investigation (NBI) Legal Assistance Division Chief Atty. Joshua Capiral, na nahuli nitong Lunes, matapos maaktuhang tumatanggap ng suhol mula sa mga sangkot diumano sa pastillas scam sa Bureau of Immigration (BI).

Ayon kay Drilon, dapat sampahan ng disbarment case si Capiral, at bukod pa diyan ay sampahan ito ng kasong kriminal at alisin sa gobyerno.

Para sa senador, nakakahiya para sa law profession ang ginawa ng NBI official, dahil siya na mismong imbestigador ng korapsyon ang siya pang tiwali.

Dagdag pa ng mambabatas, na dati na ring naging kalihim ng Department of Justice (DOJ) sa kanilang propesyon, ay inatasan silang ilabas ang katotohanan.

Bukas naman ang minority leader, na magkaroon ng isang hiwalay at malawakang imbestigasyon sa NBI, kung magkakaroon ng iba pang ebidensya o impormasyon na talamak ang suhulan sa ahensya.

Giit ni Drilon, kung hindi mapipigil ang ganitong gawain ay wala nang malaki ang magiging epekto nito sa tiwala ng publiko sa ginagawang imbestigasyon ng NBI.

Aniya, isa ito sa mga dahilan kung bakit nawawalan ng tiwala ang bayan sa kakayahan ng gobyerno na sugpuin ang mga alegasyon ng katiwalian.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.