Sen Drilon sa Pamahalaan, dapat handang magsakripisyo ng ilang proyekto vs COVID-19 crisis

Para makatulong sa pagpopondo ng mga hakbangin kontra COVID-19, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na dapat ay nakahanda ang pamahalaan na isakripisyo ang ilan nitong mga proyekto.

Sinabi ito ni Drilon kasabay ng pagpupunto na ilan pang item sa ilalim ng ‘Bayanihan To Heal as One Act’ ay hindi pa napopondohan sa ngayon.

Ayon sa senador, nakikita na ngayon ang lawak ng epekto ng krisis sa COVID-19, na hindi lamang ang mga mahihirap ang apektado kundi maging ang mga nasa middle class rin at may maliliit na negosyo.

Dahil dito, kailangan na aniyang magdesisyon ang mga opisyal ng pamahalaan na ilaan na lamang sa amelioration program ang pondo para sa ilang proyektong hindi maisasakatuparan sa ngayon.

Kabilang na aniya diyan ang pondo para sa flagship infrastructure projects na imposible nang ganap na maisakatuparan ngayong taon.

Giit ni Drilon, mayroong P30.17 billion pesos ang Department of Public Works nd Highways (DPWH) na nakalaan para sa pagsasaayos ng mga tulay, P52.8 billion pesos para sa asset preservation program, P113.39 billion pesos para sa network development program at P90.12 billion pesos para sa flood management program.

Ito aniya ang mga pondong maaaring i-tap ng pamahalaan para mapunan ang posibleng kakulangan sa pondo para sa amelioration program ngayong nagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.