Sen. Drilon, tinutulan ang plano ng MTRCB na i-regulate ang online streaming sites

Tutol si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa plano ng Movies and Television Review and Classification Board (MTRCB), na i-regulate ang mga online streaming platform gaya ng Netflix, Iflix, at Amazon prime video.

Ayon kay Drilon, imbes na i-regulate ay dapat payagan na lamang ng MTRCB ang streaming sites, at iba pang media platforms na mag self-regulate ng kanilang mga content.

Giit ng senador, hindi praktikal ang plano ng ahensya lalo at libo-libo ang mga pinapalabas ng isang streaming sites pa lamang, at imposibleng ma-review ito lahat ng MTRCB.

Pinunto pa ng minority leader, na ang MTRCB ay nabuo noong panahon ng Martial law, sa pamamagitan ng Presidential Decree 1986…mga panahong talamak ang sex at violence sa mga pelikula.

Layunin aniya nito, na kalaunan ay makapag-self regulate ang industriya ng telebisyon at pelikula.

Pero pinunto ni Drilon, na ang mga online streaming platform, gaya ng Netflix ay mayroon ng self-regulation mechanisms na nagkakategorya kung ang mga pinapalabas nila ay para sa General Patronage, Parental Guidance, 7 and above, 16 and up, R-18, at iba pa.

Sinabi pa ng senador, na pinagbabawal ng ating konstitusyon ang censorship sa ano mang content dahil katumbas aniya ito sa pagpigil sa freedom of speech at expression.

Aniya, bagamat kinikilala ng korte ang kapangyarihan ng MTRCB na mag-regulate ng mga palabas sa radyo at telebisyon, iba naman sa TV at radyo ang medium, kung saan nag-ooperate ang mga streaming service na ito.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.