Sen Franklin Drilon, nais munang magkaroon ng review sa pagpapatupad ng Bayanihan Law

Dapat munang pag-aralan ng Kongreso kung paano ipinapatupad ng pamahalaan sa Bayanihan to Heal as One Act bago ikonsidera ang anumang panukalang pagpapalawig ng batas, ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Sinabi ito ng senador sa harap na rin ng nalalapit na pagtatapos ng validity ng batas sa June 24.

Ayon kay Drilon, nanghingi na siya ng dokumento sa Department of Budget and Management (DBM) para malaman kung magkano pa ang unobligated funds sa ilalim ng 2019 at 2020 National Budget.

Sa ilalim kasi ng Republic Act 11469 o ang Bayanihan Law, binigyan ng awtoridad si Pangulong Rodrigo Duterte na mag-realign ng savings mula sa 2019 budget at ng ilang items mula sa 2020 budget.

Giit ng senador, mayroon pang sapat na panahon ang pamahalaan para magsumite ng mga datos lalo’t hanggang katapusan pa ng Hunyo ang implementasyon ng batas.

Umaasa aniya siyang makakapagsumite kaagad ang Inter-Agency Task Force (IATF) ng tama at maaasahang datos upang maayos na matugunan ng Kongreso ang pondong kailangan ng gobyerno sa pagtugon sa COVID-19 at sa epekto nito sa ating ekonomiya.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.