Sen. Gatchalian, Expiration date ng prepaid, internet load, ipagbawal

Hiniling ni Senador Win Gatchalian sa Senado na kaagad talakayin ang nakabinbin na panukalang ipagbabawal ang paglalagay ng validity period sa prepaid load credits ng cellphone at internet services.

Sinabi ni Gatchalian na sa ganitong panahon na may coronavirus pandemic, ang masakit na katotohanan ay nakaasa tayo sa information and communication technologies sa araw-araw nating pamumuhay.

“At para sa mga hindi nakaluluwag sa buhay, mahalaga ang bawat piso sa kanilang gastusin. Ang mawalan ng mga natitirang load sa kanilang prepaid credits dahil inabutan na ng expiration ay hindi katanggap-tanggap sa kasalukuyang sitwasyon,” ani Gatchalian.

Ang ganitong sistema aniya ay hindi dapat pinapayagan dahil bayad na nang buo ang mga load credit at serbisyong iniaalok sa mga subscriber, samakatuwid ay may karapatan silang makonsumo ito.

Ayon kay Gatchalian, vice chairman ng Senate committee on economic affairs, napapanahon na para repasuhin ang ganitong pamamalakad ng public telecommunications entities at ICT providers.

Sa kanyang inihaing Senate Bill No. 365 o ang Prepaid Load Forever Act, pinagbabawalan ang lahat ng PTEs at ICT providers na maglagay ng expiration date sa prepaid load credits anoman ang halaga nito.

Sakop ng panukalang batas ang prepaid cards at electronic loads sa mga serbisyong may short messaging system o text messaging, mobile data, value added services at gadgets kung saan maaaring magamit ang internet katulad ng tablets, Wi-Fi dongles or mobile hotspots.

Sa ilalim ng panukalang batas, sinoman ang lumabag dito ay may karampatang multa mula P100,000 hanggang P2 milyon at pagkakakulong na dalawa hanggang anim na taon, bukod pa sa agarang pagbawi ng business license.


Sa kasalukuyan, ang prepaid load credit na may halagang P300 ay may one-year validity habang ang mga may mas mataas na halaga ay mas mahaba ang palugit.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.