Sen. Gordon, itinangging cover-up ang paglalabas niya ng committee report sa mga isyu sa PhilHealth

Pinabulaanan ni Senador Richard Gordon ang akusasyon na ang layunin ng paglalabas niya ng committee report ng Blue Ribbon Committee tungkol sa isinagawa nitong imbestigasyon sa mga anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay layong i-cover up at mag-damage control pabor sa mga tauhan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaan noong nakaraang taon pa isinagawa ng Blue Ribbon Committee ang pagdinig nito sa mga isyu sa PhilHealth pero ngayon lamang inilabas ni Gordon ang report dahil aniya natabunan sila ng iba pang mga isyu sa komite gaya ng pagtalakay pa sa Good Conduct Time allowance (GCTA).

Sa draft report ng kanyang komite, kabilang sa mga rekomendasyon ni Gordon ang pagsasampa ng kaso kina dating Department of Budget and Management (DBM) Secretary Butch Abad, dating Health Secretary Janette Garin at dating PhilHealth President Alexander Padilla para diumano sa maling paggamit ng pondo ng ahensya noong 2015.

Ito ang tinutukoy ni Senador Leila de Lima na tila cover up at pagpabor sa mga tauhan ni Pangulong Duterte.

Pero giit ni Gordon na wala siyang anumang hinihinging kapalit o habol kay Pangulong Duterte sa paglalabas niya ng kanyang Chairman’s Report.

Katunayan, sinabi ng senador na hindi pa niya nakikita ang Pangulo sa nakalipas na dalawa hanggang tatlong taon at hindi pa sila nagkakausap.

Giit ni Gordon, ibinabase niya sa ebidensya ang pagtukoy ng pagiging guilty ng isang tao, hindi tulad ng iba na ‘guilt by association’ ang ginagawa.

Sa huli, sinabi ng senador na suportado niya ang inilabas na report ng Senate Committee of the Whole tungkol rin sa mga iregularidad sa PhilHealth at umaasa siyang susuportahan rin ng kanyang mga kapwa senador ang report ng Blue Ribbon Committee.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.