Sen. Gordon kay PNP Chief Albayalde: magbitiw na sa pwesto

Pinayuhan ni Senador Richard Gordon si PNP Chief General Oscar Albayalde na ikonsidera na ang pagbaba sa pwesto.

Ito ay matapos masangkot ang hepe ng pambansang pulisya sa tinatawag na ‘agaw-bato’ scheme.

Ayon kay Gordon, matapos ang ginawa nilang imbestigasyon kahapon, lumalabas na negligent o may pananagutan si Albayalde sa pangangasiwa sa kinuwestiyong illegal drug operation sa Mexico, Pampanga noong November 2013.

Matatandaang base sa salaysay ni dating PNP CIDG chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, labintatlong Pampanga police na hawak ng noo’y  provincial director ng Pampanga na si Albayalde ang nakasuhan ng grave misconduct dahil sa hindi pagsunod sa rules of engagement at hindi tamang pagdedeklara ng nakumpiska nilang ilegal na droga.

Sinabi rin ni Gordon na nadismaya siya kay PDEA Director General Aaron Aquino sa pag-aalinlangan nito na magsabi ng totoo.

Tinutukoy dito ng senador ang pagkompronta ni Magalong kay Aquino, na ilahad sa pagdinig kung sino ang tumawag sa kanya noon tungkol sa kaso ng labintatlong Pampanga police.

Kalaunan, sinabi rin ni Aquino na noong 2016 ay tinawagan siya ni Albayalde upang tanungin ang status ng kaso ng kanyang mga ‘tao’.

Tinawag naman ni Gordon, na inappropriate o hindi nararapat ang ginawang ito ni Albayalde.

Ayon sa senador, kung alam mong under investigation ang isang bagay, hindi ka tatawag sa opisyal na may otoridad sa kaso.

Sa ngayon, giit ni Gordon, nagsasagawa na sila ng case build up upang mapatunayang nagrecycle nga ng ilegal na droga ang labintatlong Pampanga police.

Mayroon na aniya silang kinakausap na dalawang taong maaaring tumestigo sa kaso pero sa ngayon ay natatakot pa aniyang lumabas ang mga ito.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.