Sen Grace Poe, isusulong na maibalik ang P27M pondo para sa Road Safety Programs

Nangako si Senate Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe na sisikapin niyang makahanap ng pondo upang maibalik ang ₱27 million na pondo para sa Road Safety Programs at equipment gaya ng mga breathalyzer.

Sinabi ito ni Poe sa naging pagdinig ng kanyang komite, na layong ideklara ang ikatlong linggo ng Nobyembre bilang World Day of Remembrance for Road Crash Victims.

Sa naturang pagdinig, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Mark De Leon na walang nakalaan na pondo para sa road safety programs.

Dahil dito, sinabi ng senador na hihimukin niya ang mga kapwa niya senador na hanapan ng pondo ang mga programang ito kabilang na ang pagbibigay sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga breathalyzer o instrumentong panukat ng alchohol level ng mga motorista.

Dumalo rin sa naturang pagdinig ang ilang biktima at pamilya ng mga biktima ng mga aksidente sa kalsada upang ilahad ang kanilang karanasan.

Anila, karamihan sa mga kaso ng mga vehicular accident ay nababasura ng korte dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Ayon kay MMDA Chairperson Danilo Lim, higit tatlong daang aksidente sa lansangan kada araw ang naitatala sa Metro Manila pa lamang.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.