Sen Grace Poe, kinuwestiyon ang kawalan ng pondo sa bangketa, elevated walkways

Kinuwestiyon ni Sen. Grace Poe ang kawalan ng pondo para sa mga pedestrian infrastructure sa panukalang budget para sa 2021 partikular ang pagsasaayos ng bangketa at pagtatayo ng elevated walkways.

“Ayon sa pag-aaral ng Asian Development Bank, halos 35 porsiyento ng mga destinasyon ay kayang lakarin sa loob lang ng 15 minuto. Pero dahil wala tayong maayos na bangketa para lakaran ng publiko, napipilitan tuloy ang mga Pilipino na mag-commute o gumamit ng sarili nilang sasakyan,” saad ni Poe.

Sa pagdinig ng Senate committee on public services noong nakaraang taon, binanggit ng Department of Transportation (DOTr) na ang isang network ng elevated walkways ay madaling maitatayo at magagawa nang hindi aabutin ng dalawang taon.

“DOTr mismo ang nagsabi na madali lang itayo ang mga elevated walkway. Pero hindi naman pinopondohan. Kahit isang sentimo sa panukalang P1.10 trilyon na budget para sa mga imprastraktura sa susunod na taon ay walang nakalaan para sa walkway,” dagdag ng senadora.

Binanggit pa ni Poe na ang P8.51 bilyong EDSA Greenways project ay inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board noong Enero 2020 at nananatiling nasa listahan ng mga pangunahing proyekto.

Layunin ng proyekto na iangat pa ang mga pasilidad para sa publiko sa paligid ng mga rail station sa EDSA. Nahahanay din ito sa National Transport Policy na inaprubahan ng NEDA noong 2017.

“Ang daan tungo sa kapakanan ng mga komyuter ay maaaring puno ng magagandang intensyon pero nais nating makitang binibigyan sila ng prayoridad sa pamamagitan ng paglalaan ng budget para sa imprastraktura,” diin ni Poe.

Ang senador ang siya ring may akda ng Senate Bill No. 930 o ang panukalang Sustainable Elevated Walkways Act.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.