Sen Grace Poe sa DICT papanagutin sa ‘mabagal’ na pagtatayo ng internet facility

Kailangan umanong singilin ang mga government official na nagiging sanhi ng pagkaantala sa pagtatayo ng mga kritikal na impastrakturang magbibigay ng internet connection sa madla sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon kay Senador Grace Poe.

Paliwanag niya, mandato ng Ease of Doing Business Act at Department of Information and Communications Technology (DICT) Circular 8 sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang magproseso at mag-apruba ng mga permit at clearance sa konstruksyon ng mga imprastrakturang gaya ng mga cell site nang hindi hihigit sa pitong araw.

“Ang ipagkait sa ating mga kababayan ang kanilang karapatan sa maayos na konektibidad sa panahong kailangang-kailangan ay kapabayaan sa sinumpaang tungkulin,” ani Poe, chair ng Senate committee on public services.

Umaasa ang senador na mabilis maaaksyunan ang mga balakid sa pagtatayo ng mga cell site.

Ang pagkuha ng samu’t-saring permit gaya ng right of way, structural, zoning, location clearance, electrical, sanitation, mechanical at occupancy compliance, at ang pagpayag ng Department of Health, Department of Environment and Natural Resources, Civil Aviation Authority of the Philippines, at National Commission on Indigenous Peoples ay kadalasang inaabot ng isang taon.

“Kailangan ang di-pumapalyang konektibidad—mula sa pangangalaga ng kalusugan hanggang sa edukasyon at negosyo—sa pagsugpo sa krisis na ito.”

Sabi ni Poe, ang cell tower ang nagsisilbing tagapag-angat ng mga antenna at iba pang gamit na pangkomunikasyon upang makasagap ng signal at mapanatiling konektado ang mga mobile device.

“Hindi na dapat pang umakyat ng bundok o pumunta sa gilid ng highway ang ating mga guro at mag-aaral para lamang makasagap ng signal,” wika pa niya.

Nauna nang sinabi ng DICT ang kakulangan ng imprastraktura sa bansa, na mayroon lamang 20,000 tower na naitayo kumpara sa 70,000 ng Vietnam.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.