Sen. Hontiveros, kinuwestyon sa pagpabor sa Sinovac

Kinuwestiyon ni Senador Risa Hontiveros ang government panel sa pagbili ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa pagbibigay ng pabor sa Sinovac na gawang Tsina na may 50% bisa lamang.

Sa pahayag, tanong ni Hontiveros na kung bakit sa iisang “kabayo” lamang tumaya ang pamahalaan samantalang mas marami ang mabisa at mura na iniaalok ng mga tagamanupaktura ng bakuna.

“Ang press release ay mauunang dadating ang Sinovac kaya ito pabor sa Pilipino. Bakit pinipilit itaya ang kalusugan natin sa pagkapanalo ng isang kabayo? Wag nating gawing paligsahan ang kalusugan ng Pilipino para lang bayaran ng utang na loob ang kaninuman. If we make vaccine approval a winner-take-all situation, matatalo ang taumbayan,” ayon kay Hontiveros.

Partikular na kinukuwestiyon ni Hontiveros ang Department of Science and Technology Vaccine Expert Panel (DOST-VEP) sa pagpabor sa Sinovac at Sinopharm, dalawang nangungunang bakuna na ikinokonsidera para sa national inoculation plan.

Sinabi ni Hontiveros na dapat patunayan ng DOST-VEP kung bakit napili nila ang Sinovac at Sinopharm sa kabila ng napaulat na may kinuwestiyonable o kaduda-dudang data hinggil sa naturang bakuna.

“Why are we considering Sinopharm when they haven’t even published data for other experts to verify?,” aniya.

Kinuwestiyon din ni Hontiveros ang nagtutunggaliang impormasyon hinggil sa arrival date ng iba’t-ibang bakuna na inilatag.

“Kahit wala pa siyang Emergency Use Authorization (EUA), Sinovac lang daw ang dadating sa Pebrero. Pero ayon kay Sec. Galvez, halos kasabay pala nito ang Pfizer na mayroong approved EUA na. Tapos, sabi ng Palasyo, lahat ng tatanggi sa Sinovac, mapupunta sa huli ng pila— kahit ang mga health workers. Bakit parang ang prioridad ay masabi lang na naunang dumating at nagamit ang Sinovac, kaysa ang kaligtasan ng publiko?,” tanong niya.

Ayon kay Hontiveros, masyadong krusyal ang kuwalipikasyon, pamamaraan sa pagpili, paglalantad ng conflict of interest ng DOST-VEP na dapat maging bukas sa publiko.

“We need a panel of experts whose only stake in this is giving the public the safest and most effective vaccines. We should hold them accountable for their decisions,” aniya.

Aniya, sakaling magkaroon ng masamang epekto ang bakuna sa sinuman, kailangan mailantad ng pamahalaan kung sino ang partikular na aako ng responsibilidad sakaling pumalpak ang proseso.

“Mino-monopolize daw ng national government ang procurement para nasa kanila ang accountability. Pero kung nagkaroon ng real proof of harm, sino sa inyo ang aako ng responsibilidad? Sinong makakasuhan sa inyo?,” tanong nya sa IATF.

“Sino ba ang makikinabang kung ang first touchdown sa bansa ay ang ‘Made in China’? Para sa akin, hindi isyu kung alin at saan manggagaling ang mga bakunang gagamitin laban sa COVID-19. Ang mahalagang linawin ay kung garantisado ang bisa, ligtas gamitin ng marami, at darating sa takdang panahon. Government should stop acting like the med rep for any single brand, because there should be no first place prize for a vaccine. We need to get all safe vaccines here: As many, as soon and as effective as possible,” aniya.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.