Sen. Hontiveros sa ilang bahagi ng pondo ng NTF-ELCAC, nais ipalipat sa rehab ng mga lugar na nasalanta ng bagyong Rolly

Isinusulong ni Senator Risa hontiveros na mai-realign para sa rehabilitasyon at pagtulong sa mga nasalanta ng bagyong rolly ang bahagi ng P16 billion, na panukalang pondo para sa Anti-Insurgency fund ng gobyerno sa susunod na taon.

Sa pagdinig ng senado tungkol sa isyu ng red tagging sa ilang personalidad at mga grupo, sinabi ni Hontiveros na mas magiging makabuluhan kung pagbubuhusan ng pondo ang pagbangon sa kalamidad ng ating kababayan, kaysa pondohan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) program ng gobyerno.

Pinunto ng senator na para sa susunod na taon, P19 billion ang inilaan na pondo sa NTF-ELCAC sa 2021 proposed national budget, at P16 billion dito ang para sa Barangay Development Program.

Mas mataas pa aniya ang pondong ito kaysa sa inilaan para sa ilang ahensya ng gobyerno, gaya ng Department of Housing Settlements and Urban Development (DHSUD) na may P632 million lamang, Office of the Ombudsman na may P3.36 billion, Department of Budget & Management (DBM) na may P1.9 billion, at Department of Finance (DOF) na may P17.46-billion lang.

Dahil dito, ipinahayag na ni Hontiveros, na sa magiging deliberasyon ng senado sa panukalang 2021 national budget simula sa susunod na linggo, itutulak niya na ilipat na lamang sa pagtulong sa nasalanta ng bagyong rolly ang bahagi ng pondong inilaan para sa NTF-ELCAC.

Una nang pinanawagan ng mambabatas, na ilipat rin sa pagtugon sa pangangailangang pangkalusugan ng bansa ang P8 billion mula sa pondong ito.

Una nang sinabi ni National Security Adviser at NTF-ELCAC Chairperson Hermogenes Esperon, na ang pondo ay gagamitin sa pagpapaunlad ng mga mahihirap na barangay sa bansa upang maiiwas ang mga residente doon na sumanib sa mga komunistang grupo.

Ayon kay Esperon, nasa 822 na barangay ang kailangan pa nilang tulungan.

Facebook Comments

1 thought on “Sen. Hontiveros sa ilang bahagi ng pondo ng NTF-ELCAC, nais ipalipat sa rehab ng mga lugar na nasalanta ng bagyong Rolly

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.