Sen. Imee Marcos, nanawagang buksan na sa taumbayan ang pampublikong lugar

Nananawagan si Senator Imee Marcos sa gobyerno na buksan na ang mga pampublikong lugar, paiksiin ang mga curfew, at palawigin ang mga business hours sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Naniniwala si Marcos na hindi naging sagot ang mga lockdown para mapigilan ang pagkalat ng virus dahil nagbunga lang aniya ito ng pagiging “cash-poor, space-poor, at time-poor” ng karamihan sa mga Pilipino.

Ayon sa senador, ang lockdowns ay final solution lamang para sa mga highly infected, target sitio o barangay kung saan hindi naipapatupad ang mga protocol.

Mungkahi ni Marcos, buksan na ang mga public spaces at isarado na lamang ang mga side roads sa mga sasakyan pagkatapos ng office hours.

Sa pamamagitan aniya nito ay mas magagawa ng mga tao ang kanilang pang araw-araw na gawain at maitataguyod pa ang physical at mental health ng bawat isa.

Dapat lang aniyang tiyakin na patuloy na sinusuot ng mga tao ang kanilang mga face mask at napapanatili ang social distancing.

Sa pamamagitan naman aniya ng pagpapaiksi ng mga curfew at pagpapalawig ng business hours ay maiiwasan ang pagtitipon ng mga tao sa mga opisina, palengke, at groceries maging ang limitadong pampublikong transportasyon.

Giit ni Marcos, habang naghihintay tayo ng bakuna kontra COVID-19, dapat ay magsimula na tayong mamuhay kasama ang virus na ito.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.