Sen Koko Pimentel sa mga nagpaparenta, bawasan ng hanggang kalahati ang singil sa MSMEs

Umapela si Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III sa mga nagpaparenta ng commercial spaces na bawasan ng hanggang 50-porsyento ang singil sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) bilang isang paraan na rin upang makatulong sa pagpapasigla ng ating ekonomiya.

Pakiusap ni Pimentel, tulungan ang mga maliliit na negosyanteng labanan ang economic effects ng COVID-19 pandemic sa kanila.

Aniya, malaking ginhawa para sa mga small business owners kung bababaan ng hanggang kalahati ang kanilang renta lalo’t marami na ang nawala at nalugi sa kanila dahil dito sa pandemya.

Binahagi ng senador na chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship na maraming natanggap na ulat ang kanyang opisina na ilang negosyo ang nag-aalinlangang magbukas muli dahil nangangamba aniya silang hindi sasapat ang kikitain nila sa pambayad ng kanilang renta.

Giit ni Pimentel, 99.52-percent ng mga negosyo sa bansa ay MSMEs, kaya naman kung nais aniya nating makabangon ang ating ekonomiya ay tulungan nating mapasiglang muli ang mga negosyong ito.

Kabilang aniya sa mga rehiyong may pinakamaraming MSMEs ay ang Metro Manila, Region IV-A, at Region 3 na ilan rin sa rehiyong pinakanaapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.