Sen. Lacson: ₱14-B IRM releases ng PhilHealth, katumbas ng higit 600 counts ng malversation

Maaaring umabot ng higit 600 counts ng malversation ang kahaharapin ng mga sangkot sa nasa ₱14-billion pesos na ilegal na paglalabas ng pondo ng PhilHealth sa ilalim ng pagpapatupad nito ng interim reimbursement mechanism (IRM).

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, sa report ng Senate Committee of the Whole, nasa ₱14-billion na IRM releases ang naibigay sa 632 health care institutions mula March 25 hanggang June 10.

Maituturing aniya itong ilegal dahil ang memorandum circular para sa naturang releases ay noong June 11 pa lamang naging epektibo.

Giit ni Lacson, sa ilalim ng Article 217 ng Revised Penal Code (malversation of public funds), bawat isang fund release sa 632 HCI ay katumbas ng 1 count ng malversation.

Aniya, bawat transaksyon o disbursement ng PhilHealth sa isang health care institution (HCI) ay mayroong memorandum of agreement kaya bawat transaksyon aniya ay isang hiwalay na kaso.

Dagdag pa ng senador, sa 632 transactions na ito, 339 ang maaaring mapatawan ng parusang reclusion perpetua o habangbuhay na pagkakakulong dahil higit sa ₱8.8 million pesos ang nailabas na pondo.

Matatandaang kabilang sa mga rekomendasyon ng Senate Committee of the Whole ang pagsasampa ng kasong malversation at graft and corruption sa ilang opisyal ng PhilHealth kabilang na dito sina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, dating PhilHealth President Ricardo Morales at iba pa dahil sa ilegal at maling paggamit umano ng IRM funds.

Ang IRM ay ang cash advance payment scheme ng PhilHealth sa mga healthcare institutions upang maayos pa rin silang makagalaw sa gitna ng mga tinatawag na ‘furtuitous events’ o mga hindi inaasahang pangyayari gaya ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.