Sen. Lacson, inirekomenda ang pagsasampa ng 631 counts ng malversation of public fund sa mga tiwaling opisyal ng PhilHealth

Nirekomenda ni Senador Panfilo Lacson sa Senate Committee of the Whole na ilagay sa report nito ang partikular na bilang ng kasong malversation of public funds na maaaring isampa sa mga opisyal ng PhilHealth.

Sa rekomendasyon ni Lacson na naaprubahang maisama sa final report ng Senado, nakasaad na katumbas ng hindi bababa sa 631 counts ng malversation of public funds ang dapat ikaso sa mga diumano’y tiwaling opisyal ng ahensya partikular sina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, dating PhilHealth President Ricardo Morales, Fund Management Sector Senior Vice President Renato Limsiaco Jr, Senior Vice President for Health Finance Policy Sector Israel Pargas, at iba pang opisyal at mga empleyadong sangkot sa mga ilegal na gawain sa PhilHealth.

Ipinasama rin ni Lacson sa report ang rekomendasyon kay Duque na sundin na ang panawagan ng 14 na senador, na pumirma sa Senate Resolution 362, na magbitiw na siya sa pwesto dahil sa failure of leadership nito sa Health Department.

Sinabi naman ni Senate President Vicente Sotto III na malinaw ang pananagutan ni Duque sa ilegal na paggamit ng pondo ng PhilHealth sa pamamagitan ng interim reimbursement mechanism (IRM).

Taliwas aniya ito sa naging mga pahayag ng kalihim sa publiko nitong mga nakalipas na araw.

Giit ni Sotto, base sa Republic Act 7875 o ang National Health Insurance Act, sa lahat ng mga miyembro ng Board ng PhilHealth, tanging ang kalihim ng DOH lang ang hindi maaaring magtalaga ng kinatawan na uupo sa Board hindi gaya ng kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of the Interior and Local Government (DILG) na mga representative lang ang nakaupo sa Board.

Sa ngayon ay adopted na ang Senate report na ito at inaasahang agad ring mabibigyan ng kopya nito si Pangulong Rodrigo Duterte at ang mga ahensya ng pamahalaan na nag-iimbestiga rin sa isyu sa PhilHealth.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.