Sen Lacson, magtatakda ng isa pang pagdinig para sa panig ng mga grupo at indibidwal na isinasangkot sa isyu ng red-tagging

Magtatakda pa si Senate National Defense Committee Chairman Senador Panfilo Lacson ng isa pang pagdinig tungkol sa isyu ng red tagging upang mabigyan ng pagkakataon ang mga partylist groups at mga organisasyon na makadalo at maihayag ang kanilang panig.

Itatakda aniya ng senador ang susunod na pagdinig depende sa magiging availability o willingness ng mga grupo at indibidwal na sangkot sa isyu ng red-tagging.

Gayunpaman, posibleng hindi pagbigyan ng senador ang hiling ni Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares na magsagawa ng pagdinig nang wala ang mga security officials ng pamahalaan.

Una na kasi itong hiniling ni Colmenares kay Lacson sa pamamagitan ng isang liham para aniya malaya nilang maibigay ang kanilang panig sa red-tagging issue.

Giit ni Lacson, ang bawat public hearing na ginagawa ng Senado ay para dinggin ang bawat panig ng isang issue.

Hindi aniya magiging patas kung pipigilan ng komite ang anumang partido na sagutin o harapin ang anumang isyu na kinakailangan ng agarang sagot.

Matatandaang base sa liham ni Colmenares sa komite, hindi siya nakadalo sa senate hearing kahapon dahil sa kanyang personal schedule na may kaugnayan sa undas habang ang mga kinatawan naman ng Makabayan Bloc ay nasa relief missions para sa mga nasalanta ng bagyong Rolly.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.