Sen. Lacson, Napuna ang pagbabago sa alokasyon ng congressional districts kasabay ng pagpapalit ng liderato ng Kamara

Pinunto ni Senador Panfilo Lacson ang aniya’y kapuna-punang pagbabago ng panukalang alokasyon sa mga congressional districts kasabay ng pagpapalit ng speaker ng Kamara.

Ayon kay Lacson, kapuna-puna ang pagtaas ng alokasyon sa mga distrito na kaalyado ni bagong House Speaker Lord Allan Velasco at pagbaba naman ng alokasyon sa mga distrito ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano.

Matatandaang una nang pinuna ng senador ang lump sum appropriations sa ilalim ng proposed 2021 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kalaunan ay ini-itemized naman ng ahensya sa inihabol na addendum.

May impormasyon rin aniyang natanggap ang opisina ng senador na ilang mambabatas ang nakialam sa distribusyon ng pondo ng DPWH.

Kabilang sa mga pinunto ni Lacson na bumaba ang alokasyon ay ang para sa distrito ng kaalyado ni Cayetano na si Camarines Sur Representative Luis Raymun Villafuerte habang nadagdagan naman ang alokasyon ng Albay at Benguet.

Wala naman aniyang naitalang pagbabago sa alokasyon ng distrito ni dating Speaker Cayetano.

Muli ring pinunto ng senador ang malaking pagkakaiba sa alokasyon sa mga congressional districts na ang iba ay nakatanggap ng nasa ₱15-billion pesos habang ang iba naman ay nasa ₱620-million pesos lang ang natanggap.

Kabilang ang pondo ng DPWH sa mga planong pabawasan ng senador sa gagawing period of ammendments ng Senado ngayong araw sa 2021 proposed national budget.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.