Sen. Lapid, nais imbestigahan ang kapasidad ng telcos na makapagbigay ng libreng internet

Nais ni Senador Manuel ‘Lito’ Lapid na magkasa ng imbestigasyon tungkol sa posibilidad na mabigyan ng mga telecommunications companies ng libreng internet ang mga guro at estudyante.

Ito ay habang hindi pa aniya pwede ang face-to-face learning lalo na sa mga panahon ng kalamidad at national emergencies.

Sa Senate Resolution 416 na inihain ni Lapid, pinunto ng senador na sa mga panahon ng kalamidad at emergency gaya na lamang ng hinaharap nating pandemya sa COVID-19, mahalagang may malakas at maaasahang internet service ang ating mga estudyante at mga guro.

Sa ganitong paraan lamang aniya masisiguro na magtutuloy-tuloy ang kanilang pag-aaral at pagkatuto.

Giit nito, matagal pang babalik ang nakagawiang face-to-face o physical classes kaya sa online classes muna dedepende ang ating mga estudyante para hindi matigil ang paglinang sa kanilang kaalaman.

Ayon sa senador, kakailanganin ng mga estudyante ang libreng internet access para makagamit ng mga online libraries, educational websites at mga katulad pang platforms para sa kanilang online learning.

Gayunpaman, hindi aniya kakayanin ng mga low-income families na gastusan pa ang internet subscription para dito lalo na ngayong panahon ng krisis kung kailan hirap rin ang karamihan na makabili ng kanilang pangunahing mga pangangailangan.

Dahil dito, sinabi ni Lapid na mahalagang silipin ang posibilidad ng pagtutulungan ng pamahalaan at ng mga telcos para makapagbigay ng libreng internet access tuwing magla-log in, bibisita at gagamit online learning portals ang mga guro at estudyante.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.